Sa
bilyong taong nabubuhay dito sa napakalaki at napakalawak na mundo, ilang tao
na kaya ang nabiktima ng linyang “Peksman, mamatay man?” o kaya ng “Hindi ko
kayang mabuhay ng wala ka.” O ng “Itatayo kita ng napakataas na bahay sakaling
maging tayo.” Sus, grades mo nga hindi mo makuhang pataasin, bahay pa kaya?
Alam ko na alam mo na mayroon pa rin talagang mga taong naniniwalang kayang
mapagdikit ang Neptune at Mars o kaya nama’y maibalik ang planetang si Pluto. Marami pa rin
talagang mga taong madaling maniwala sa kung anong namumulaklak na salita na
sinasabi ng isang tao lalo na kung ang taong ito ay ang higit na malapit sa
kanya o ang mismong pinagkakatiwalaan niya. Napakamakapangyarihan talaga ng mga
salita. Kaya nitong manghikayat, magpasaya/magpatawa, magpalungkot, mangsira at
higit sa lahat, magpabago ng paniniwala ng isang tao.
Lahat
naman siguro tayo ay napangakuan na, at ang ilan sa mga ito ay maaaring natupad
na, ang ilan naman ay hindi o kaya’y hindi pa. Sa mga taong nagsasabing hindi
pa, umaasa pa rin ba yang naghihintay na puso mo o kaya’y pilit na pinapaniwala
niyang makitid na utak mo na baka isang araw o sa makalawa o sa susunod baka
sakaling gawin niya na? Mahirap hintaying mapuno ang butas na tabo, mahirap maghintay
ng eroplano sa terminal ng bus. Sa madaling salita, mahirap ang umasa at
mahirap ding sumugal sa isang bagay na walang kasiguraduhan kung mangyayari
talaga. Lalo pa kung umaasa kang gagawin ito ng taong minsan nang winasak ang
salitang binitawan niya sayo.
Napakaraming
sitwasyon ang maaaring iugnay dito. Siguro nasabihan ka na ng isa sa klasmeyt
mo na “gagawan ka ng assignment o kaya’y papakopyahin ka sa pagsusulit basta
pakopyahin mo muna siya. Pero pagdating ng araw, makikita mo na lang siyang parang
pagong na pilit na nagtatago at pawang binabalot ang sarili sa kadahilanang
ayaw niyang ibahagi ang kahit isang letra o numero ng sagot niya.” Maaari ring
sinabihan ka ng nililigawan mo na “Pasensya na, pero sabi kasi ni Nanay na
bawal pa akong magpaligaw,” pero makalipas ang isang araw o mahigit, ayon at
sumama na siya sa taong halos pagmamay-ari na ang buong mundo dahil sa
magagarang sasakyang dala niya at nagniningningang mamahaling palamuti na
bumabalot sa kanyang katawan, ngunit parang binagsakan naman ng langit at lupa
ang pagmumukha. Nakakatawa ring pagmasdan ang mga bagong magkasintahan na halos
hindi na mapaghiwalay dahil sa parang linta kung magdikit ang dalawa. May mga
pagkakataon naman na parang aso at pusa kung mag-away, at minsan rin ay abot
langit ang tuwa dahil sa kung anong mga paru-paro ang kumikiliti sa kanilang
tiyan. Pero kapag lumipas na ang ilang buwan, halos mag-iwasan ang dalawa sa
tuwing magkakasalubong. Walang pagbuka ng bibig at paggalaw ng mata ang
makikita sa kanila. Aakalain mo na lamang na hindi talaga sila magkakakilala at
kailanma’y hindi nagtagpo ang kanilang mundo. Ang saklap hindi ba? Pero palagay
ko, wala na yatang mas sasaklap pa sa salitang “Pangako.”
May
taong minsan na ring nagbitaw sa akin ng salitang “Ikaw lang.” Hindi ko
maipagkakaila ang katotohanang unti-unting gumuguhit sa labi ko ang ngiti sa
tuwing maririnig kong sinasambit niya ang mga salitag iyan. Naniwala ako.
Naniwala ako sa kanya dahil nakita ko rin sa nangungusap niyang mata na totoo
ang sinasabi niya. Pinaniwalaan ko ang bawat salitang lumalabas sa kanyang
bibig. Ngunit sadyang napakamapagbiro ng tadhana. Ilang taon ang nakalipas,
natuklasan at nakita mismo ng aking mata kung paano niya bigyang tunog ang
bawat tawa niya sa tuwing kasama niya ang taong iyon. Nasaksihan ko rin ang saya sa kanilang dalawa
na minsa’y kami ang nakaramdam noon. Parang may kung anong karayum ang pilit na
tumutusok sa loob-loob ko kapag nailalarawan ko sa aking isipan kung paano niya
sinasabi sa akin ang salitang “Ikaw lang.” Ang hirap isipin na ang taong dating
nagsasabi sayo nito ay ngayo’y pinapaniwala at pinaparamdam na iyon sa iba.
Hindi ko makakalimutan ang araw na ipinagtapat niya sa akin ang lahat.
Unti-unting nangingilid ang luha ko ng mga pagkakataong iyon habang hinihingi
niya ang kapatawaran ko. Hindi ko na mabilang kung ilang salita na ba ang
nagamit niya ngunit dalawang salita lamang ang naisauli ko “Okay lang.” Iyon
ang dalawang salita na magpapaniwala sa kanya na tapos na. Dito ko napagtanto
na hindi lang pala ang salitang winasak niya ang siyang wawasak sa akin kundi
pati na rin ang salitang binitawan ko.
Totoong
napakamakapangyarihan ng mga salita dahil kayang-kaya nitong magkontrol sa kung
anong dapat na maramdaman ng isang tao. Siguro napakadali lamang sa isang tao
na magbitaw ng salita pero napakalaki ng impak nito sa taong nasabihan. Hindi
biro ang bawat salitang iyong binibitawan dahil hindi lamang pagbabago sa
nararamdaman ng isang tao ang maaaring maging dulot nito bagkus maaari rin
nitong sirain ang ilang ulit ng pinukpok ng pako upang lalong tumibay gaya
lamang ng relasyong hindi pa naghihiwalay. Ngunit kung ang salita ay maaaring
makasira, maaari rin nitong tapalan ang nagdudugong sugat para madaling
humilom. Maaari nitong maibalik ang dating nasira. Nasa sa atin lamang kung
paano natin iingatan ang bibitawan nating salita.
Isinulat ni:
Mariel S. Bermejo
Bakit po siya nawasak?
TumugonBurahinsa akin ito kaya pumili ka ng iba!!!!
TumugonBurahin~Kristine Jardeleza
Ibang artikulo ka nalang wag lang ito!!!!
TumugonBurahinSa ilalim ng puting ilaw~ ♫♫♪♪♪♫♪
TumugonBurahintatakbo, ♫ tatalon ♫ sisigaw ang pangalan mo! ♫
TumugonBurahiniisipin
bakit ba ikaw ang iniisip ko ay dina mawala wala♫♪
TumugonBurahinmga salitang nakakasakit ngunit nakakapagbigay aral sa bawat pusong nasugatan at balang araw makakahanap din ng mga salitang gagamot sa ating mga pusong wasak at pupuna sa mga pangakong napako.:))
TumugonBurahin