Sabado, Nobyembre 26, 2016

Paraiso sa likod ng Sementeryo

         Sa unang yapak papasok sa bungangang pasukan ng tahanan ng mga yumao ay nakahimlay sa gilid ang isang higanteng bato. Bato na naihulma ng kamay ng tao at batong kinapapalooban din ng mga mas maliliit na bato. Ito ang patunay na bago pa man naging bunganga ng  sementeryo ang kalawakan ng lupang ito ay naging tirahan din ito ng mga ninunong pamilya ng barangay. Ganun din ang kalagayan ng mismong daan papasok sa sementeryong ito na dating nababalot sa damo at ngayo'y nakukumutan na ng maliliit at malalaking na butil ng mga bato. Nakahilera sa kanang bahagi ng daan ang nagpapaligsahan sa taas at lapad na mga punong kahoy na may edad waring hihigit na sa taong isang daan. Mistulang kurtina rin sa gilid na ito ang mga nakayakap sa matatayog na punongkahoy na simpleng halamang " Cadena de Amor " . Maliliit lamang na kulay rosas ang mga bulaklak nito at malayang nakikipagdayawan sa kamay ng mga hanging dumaraan. Tuwing mainit ang tirik ng araw ay mahilig itong pasyalan ng mga paru-parong hinuhuli naman ng mga batang naghahanap ng mapapaglubangan. Mayumi ang mga paru-paro sa taglay nitong iba't-ibang kulay, laki at ganda kaya't madaling naakit ang mga mata ng mga mapaglarong yagit na ito. Sa hulma ng imahe ay hindi masasabing isa itong lugar para sa mga patay sapagkat nakatira parin ang gandang naiwan ng buhay na nauna noon.
         Sa gawing kaliwa ay mahahagip ng mga mata ang kahabaang sakop ng taniman ng palay. Sa ihip na dala ng hanging paparaan ay  maaamoy ang umagang bango ng damo at palay na hinog na maaari nang anihin sa kalaunan. Hindi karamihan ang yabag na kailangang tatahakin, dahil sa pagitan ng mga dinaraanang bato't lupa na humuhulma sa daan ay mararating ang mismong sementeryo. Sa unang abot ng mata pa lamang ay iisiping iyon na ang dulo ng barangay. Nayayakap din kasi lamang ang sementeryo ng lupang sakahan at taniman ng mga palay ng bigas. Kung ililibot mo pa ang iyong mga mata ay maaabot ng iyong mga tingin ang distansya ng mga karatig na mga bulubundukin. Mapaglaro lamang ang kulay ng pinta sa laki ng himlayan ng mga patay ngunit kung walang takot mong lalakarin ang daang mapagturo ay dadalhin ka ng iyong mga paa sa lugar na kung tawagin ng mga taga roon ay "ibaba". May katirikan ang daan papunta roon at may kababawan ang damong nananahanan sa daan ngunit papasyalin ka kaagad ng mga mata mo sa natatagong makakalikasang ganda ng kalawakan ng lupang iyon. 
          Bahay ang lugar na ito ng samut-saring mga uri ng mga bumubungang kahoy tulad na lamang ng mangga, bayabas, santol at dalandan. Namamakod rin sa kapalibutan nito ang matatayog at payat na mga kahoy ng kawayan. Ingay lamang ng huni ng mga ibon ang maririnig pati rin ang mga nagpapagaspas na dahon sa daliri ng mga punongkahoy. Sariwa dito ang hangin at malaya itong naibubuga ng mga alapaap. Kung ipagpapatuloy mo ang iyong paglalakad ay makararating ka sa isang maliit at magandang elibadong lupa na may nakatayong kahoy ng punong amhe. Kapag narating mo ang puwestong ito ay maigi at malawakan mong mapagmamasdan ang kabuuan ng lugar. Maaari ring maupo ka sa lilim ng punongkahoy at tignan ang mga nagkakabitang mga ulap na nakabubuo ng imahe sa kabughawan ng kalangitan. Sa gawing hilaga naman ay matatagpuan ang kahabaan ng sapa na ang daanan ay waring katawan ng ahas ang hugis. Sa gitna nito ay makikita ang malaking batis na ginagawang labahan ng mga nakatira rito. Lumalabas lamang ang tubig mula sa isang malaking pusod ng lupa kaya kahit papaano ay presko ito't may kalinisan kaya't naaayong gamitin.
            Tatatlong pamilya lamang ang naninirahan dito. Sa simple ng buhay at natural na gandang taglay ng lugar, ay naiaahon nila kahit papaano ang kanilang mga sarili mula sa pagkagutom at kahirapan. Sa palibot ng kanilang mga bakuran ay nakakagat naman sa lupa ang nag gagandahang mga taniman ng gulay na mas presko pa sa mabibili mo sa pamilihan. Nandito ang mga pechay, kalabasa, talbos ng kamote, kamoteng kahoy, at gabi. Nag-aalaga rin ng mga baboy, baka, manok at pato ang mga tao rito. Para sa kanila, ang ikinabubuhay nila ay madaling naipipitas lamang mula sa kapaligiran kaya't malaking pakonswelo ito sa mga nakatira rito. Pakiramdam din nilang mas malusog ang kanilang mga buhay dahil sa hanging nalalanghap na nahahaluan ng bitamina ng kalikasan. Gawa lamang sa sawali ang dingding ng mga bahay dito kaya't tumatagos ang hangin hanggang sa kaloob-looban nito.
            Kasiyahan naman ang dala ng paraisong ito sa mga kabataang ipinanganak at lumaki sa kayamanan ng lupang ito. Sa laki ng kanilang mga bakuran ay magayak silang nakapaghahabulan at nakapaglalarong mas espesyal nilang maituturing kaysa sa mga kabataang nakatira sa labas ng lupang hindi na naaabot ng sementeryo. Gayunpaman ay walang takot nilang dinaraanan ang kahabaan ng daan ng sementeryo kung papasok at uuwi mula sa paaralan. Natural na ito para sa kanila at iyon lamang ang tanging daanan nila papalabas sa bakuran na kanilang kinalakihan. Nagiging tambayan din ng mga kabataang ito ang mga punongkahoy na mabilis nilang naaakyat sa ilang kisap ng mga mata lamang. Mahilig silang mamitas ng mga hilaw na mangga na malusog sa berdeng kulay at minsan nama'y mga dalandan na nagpapalakihan sa kabilugan nitong hugis. Tuwing gabi naman ay napupuno ng mga dyamante sa langit ang kanilang mundo at pinaghaharian ng bilog na gintong liwanag ang langit na balot ng kadiliman ng gabi. 
              Sa kabila ng nakasisindak na imaheng dala ng sementeryo sa lugar na ito ay may portal naman itong daan patungo sa isa pang lugar na huling kulay ng dating kapanahunan sa katangi-tanging barangay na kinahihimlayan. Hindi mo agad ito mahahanap sa unang paglalakbay ng mga mata ngunit, kung palalawakin mo ang iyong isipan ay mararating mo ang lugar na kung tawagain nila ay ibaba. Ito ang tunay na kayamanang nakatago sa likod ng sementeryo't mga kahoy pati mga halamang nais protektahan ang magandang litratong halos perpektong taglay ng lugar. Hindi man kanais-nais sa kuweba ng tainga ay matatawag mo itong Paraiso sa likod ng Sementeryo.
           
                                                                                            
                                                                                               -Isinulat ni Bryan Pacao -

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento