Sabado, Nobyembre 26, 2016

Kayamanan sa Bawat Hakbang sa Pilapil

            Ihip ng hangin na dumadampi sa aking mga balat at tinatangay ang ilan sa mga hibla ng aking mga buhok na animo’y nasa isang photoshoot. Paglalakad sa mga makikitid at paliko-likong mga pilapil habang nagmamasid sa mga kumikinang na tila mga gintong butil ng mga palay. Ilan lamang iyan sa mga karanasan ko tuwing dumadaan ako sa palayan kung saan sa dulo nito ay nakatirik ang nag-iisa, sementado ngunit hindi kalakihang bahay, ang aming bahay. Pamana pa ito sa amin ng aming Lola Delia nang sila’y lumipat sa Mabca,Sangay noong ako’y apat na taong gulang pa lamang.
            Bagaman nag-iisa ang aming bahay sa kadulu-duluhan ng palayan, bihira lang kaming makaranas ng may kinakausap na ibang tao at dama rito ang katahimikan ngunit masaya pa rin. Mula sa bahay, natatanaw ko ang mga sasakyang dumadaan, bumubusina at minsan pa’y humaharurot sa sementadong kalsada. Nakatutuwang isipin na masuwerte kami dahil malayo ang bahay namin sa mga polusyong ibinubuga ng mga sasakyang ito. Natatanaw ko rin ang kumikislap na mala-kristal at kulay asul na dagat ng Nato tuwing tirik na tirik ang bolang apoy sa kalangitan. Pati na rin ang pagsibol ng bukang-liwayway kasabay ang pagsikat ng araw ay aking namamasdan. Maraming malalaking puno ang nakapalibot sa aming bahay na mistulang sumasayaw kasabay ng presko at malinis na hangin. Ngunit sa kabilang banda, mga tuyong dahon ang nahuhulog sa mga ito araw-araw na akin namang winawalis at tinatapon sa aming maliit na compost pit upang hayaang mabulok. Inaalis rin namin ang mga damo sa tuwing ito’y kumakapal na sa palibot ng aming bahay. Marami rin kaming tanim na mga gulay sa aming likod-bahay tulad ng ampalaya, talong, okra, kalabasa, sitaw at gabi na itinintinda ng aking ama upang gamiting pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan.
            Sa pagsapit ng takip-silim, makikita ko ang paglubog ng bolang apoy sa parte ng bundok ng Isarog. Nag-iiwan ito ng kulay kahel sa kalangitan na tuwing pinagmamasdan ko ay nakakawala ng pagod dahil sa kagandahan nito. Napakagaan sa pakiramdam na masilayan mo ang mga ito habang nakatayo sa pilapil ng palayan at pumapalibot sa iyo ang mga palay na ilang linggo pa ay maaari nang anihin. At sa tuwing madilim na akong umuuwi galing paaralan, dala ko ang maliit na bagay na laging nakapaloob sa aking bitbit na bag. Ito ang magsisilbing tanglaw ko sa kadiliman habang naglalakad sa mga pilapil. Kapag ako’y tumitingala, mamamasdan ko ang mga dyamanteng punong-puno at ‘di mabilang sa buong kalawakan na tila nangungusap sa aking mga mata. Nakakaaliw tingnan at pagmasdan ng mga ito na nagpawala ng aking takot sa gitna ng dilim.
            Kapag sumapit ang tag-ulan, hindi maiiwasan ang pagiging maputik ng mga pilapil dulot ng pagtaas ng mga tubig na umaagos mula sa isang ektarya ng palay patungo sa isa pang ektarya. Kinakailangan dito ang bota, isang uri ng sinusuot sa paa, upang makaiwas sa putik o kung ayaw mong mabasa ang iyong binti at mga paa. Maaari ring maglakad ng nakapaa upang maiwasan ang pagkadulas o pagkadapa na maaaring sumira sa iyong napakagarang damit pati na rin sa napakaganda mong araw. Kapag natapos na ang pagbuhos ng ulan ay magpapakita ang isang kurbadang tulay sa langit na may iba’t-ibang kulay at muli na namang gaganda ang kapaligiran. Magsisibalikan na rin ang bughaw sa alapaap at muling sisikat ang bolang apoy na magbibigay-init sa paligid at magpapatuyo ng mga basa dulot ng ulan.
            Tuwing sasapit na ang panahon ng anihan, dulot nito sa amin ay katuwaan. Bulto-bulto nang inaani ang mga gigintuing butil ng palay saka inilalagay sa sako upang ibenta o ipagiling upang gawing bigas. Makakapaghabulan na kami sa hilagang bahagi ng palayang pag-aari ni Mang Raul o kaya naman sa silangang bahagi ng palayan ni Mang Danilo. Sila ang nagmamay-ari ng mga palayang nakapalibot sa aming bahay. Makakapagmuni-muni na rin ako sa isang maliit na bahay-kubo na matatagpuan sa gitna ng palayan ni Mang Raul sa lilim ng puno ng Ipil-Ipil. Presko ang hangin dito at maririnig ang mumunting huni ng mga ibong lumilipad at dumadapo sa mga sanga ng  puno. Ang mga huning ito ang nagsisilbing musika sa aking pandinig na nakapagdudulot ng kaginhawahan sa pakiramdam, nakapag-aalis ng mga pangamba at nagbibigay-buhay sa bawat nilalang.
            Sa bawat hakbang ko sa pilapil, turing ko rito ay kayamanang biyaya ng Maykapal. Ang lahat ng aking namamasdan ay parang isang utang na ‘di kayang mabayaran ng kahit ilang salapi at hindi kayang matumbasan ng anumang materyal na bagay. Ito ay isang babasaging pinggan na kailangang ingatan dahil kapag nasira ay hindi na kayang ibalik sa dating porma.

Tekstong Deskriptibong isinulat ni:

Bianca Izabel Villanueva Labanon

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento