Lahat
tayo ay may kanya-kanyang klase ng buhay. Ito ay nakadepende sa ating sarili.
Marahil, ito ay dahil sa ating mga gawi o ugali. Ngunit kahit anong klase ng
buhay mayroon tayo ay dapat pa rin natin itong ipagpasalamat. Sapagkat ang
buhay ay mahalaga. Ito ay ibinigay sa atin ng Poong Maykapal para ingatan at
pahalagahan. Anong klase ng buhay ba mayroon ka? Naaayon ba ito sa iyong nais?
Ipinagmamalaki mo ba ang buhay na mayroon ka? Pinahahalagahan mo ba ito?
Ang buhay ay parang coloring book sa dami ng kulay. Ang
buhay ay isang paglalakbay. Paglalakbay na kung saan ay marami tayong bagay na
mararanasan. Mga bagay na kanais-nais at mga bagay na di-kanais-nais. Mga bagay
na mabuti at masama. Mga bagay na malinis at marumi. Mga pangyayaring
itinadhana at itinakda para sa akin, sa’yo at sa ating lahat. Mga pangyayaring
ikinatutuwa ng tao na mangyari. Mga pangyayaring di man kagustuhan ng iba na
mangyari. Mga pangyayaring kina-kailangang mangyari para matuto ang isang tao.
At higit sa lahat, mga bagay na kalooban at di-kalooban ng Diyos na mangyari.
Nasa ating sariling kamay ang pagbibigay kulay sa ating buhay. Sa dami dami ng
mga nangyari sa ating buhay, hindi ba’t maituturing na itong makulay?
Oo, masalimuot at
makulay ang buhay ng tao. Ang ating mga magulang, kapatid, asawa, kamag-anak,
kapitbahay, kaibigan, kaaway, kakwentuhan, kaharutan, kakampi, kalaguyo,
kapuso, kapamilya, ka-tandem, ka-team, ka-friendster, ka-facebook, kalaro o
simpleng kasama lang. Silang lahat ang nagbibigay ng kulay at kahulugan sa
ating buhay. Sila yung mga taong laging nakapaligid, laging nakabantay, laging
nakamasid at laging naghihintay sa anumang ikikilos at sasabihin mo. Oo, ang
iba sa kanila ay totoong mapagmasid ngunit marami din naman ang walang
pakialam. Ang nakakalungkot lang ay mas marami pa rin yung mga taong
mapanghusga sa kapwa, yung mga taong mayayabang, yung mga taong nangmamata at
nanghahamak ng kanilang kapwa. Ngunit hindi ito hadlang upang maging masaya.
Patuloy lang sa pagkulay ng iyong buhay sapagkat balang araw ika’y
magtatagumpay ay titingala sila sa iyong tibay.
Pare-pareho naman
tayong mga nilalang ng Diyos. Pero bakit kaya sila ganun? Bakit may mga taong
mapanghusga sa kapwa? Ngunit alam kong maraming mga dahilan kung bakit sila
ganun. Siguro nga dahil walang silang magawa sa kani-kanilang buhay. Kung may
mga taong mapanghusga, mayroon din namang mga mayayabang. Karamihan naman sa
kanila hanggang yabang lang. Sila yung mga taong masyadong mataas ang tingin sa
sarili. Siguro pakiramdam nila para silang Diyos na di kayang abutin ng kapwa
nila. Bakit, ganun na ba talaga sila kataas? Ang tatayog ng lipad nila.
Matatayog nga pero lumilipad naman sila ng walang pakpak. Bukod sa kanila,
marami pang uri ng mga masasamang tao. Gaya na lang nung mga taong nangmamata
ng kapwa. Yung mga matapobre at mga walang pusong mga nilalang. Kalimitan sa
kanila ay ang mga mayayaman. Pero hindi lang naman sila. Meron din namang iba
na pakiramdam nila’y mayayaman at matalino sila na dahil sa kanilang
pagpapalalo sa sarili ay pipiliin pang hamakin ang kapwa kaysa tulungan at
mahalin sila.
Ang dami na talagang
masasamang tao ngayon sa mundo. Marami nang mamamatay tao, drug addict, drug
pusher, mga sindikato, magnanakaw, mga taong gahaman sa pera at kapangyarihan
at higit sa lahat, mga taong walang takot sa Diyos. Sabi nga sa Bibliya, “Ang
pagmamahal sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan.” Kalimitan sa mga
krimen at kasamaan sa mundo ay dahil sa salapi. Salaping ginagamit ng tao
araw-araw. Salaping ibinibili ng pagkain at gamot. Salaping inihahandog sa
Diyos. Salaping inihahandog sa kapwa. Ang masaklap lang, ang salaping ito ay
nagagamit din sa pansariling kapakinabangan ng tao. Nagagamit ito sa lahat ng
uri ng kasamaan sa mundo. Nakakalungkot isipin na tayo’y nabubuhay sa mundong
punung-puno ng kapangitan, karumihan, kabulastugan, kahirapan, kapighatian at
kasamaan.
Gayunpaman,
nagpapasalamat pa rin ako sa Panginoon dahil sa kabila ng mga kasamaang ito,
mayroon pa rin akong naaaninag na mga bagay ng kabutihan. Ang tinutukoy ko ay
yaong mga positibong bagay na nangyayari sa kapaligiran. Nagkakaroon ng
katuparan ang mga mabubuting bagay na ito dahil na rin sa mga taong gumagawa at
nagpapalaganap ng kabutihan sa mundo. Sila yung mga taong malilinis ang
kalooban na mabuti ang pakikitungo sa lahat, mga taong matulungin sa kapwa, mga
taong masisipag sa paggawa ng kabutihan, mga taong hindi mapanghusga sa halip
ay mga matutuwid magsikilos at makatwiran kung magsalita at higit sa lahat sila
yung mga taong may takot sa Diyos.
Oo, marami ding mga
mabubuting tao. Yung isang kakilala ko nga ay napakamatulungin sa kapwa. Isa
siyang guro. Napakabait niya. Ang lahat ng ginagawa niya ay para lamang sa
ikabubuti ng kanyang mga estudyante, kapwa guro at kapwa tao. Salamat talaga sa
kanya dahil nakabahagi ako ng kabutihang ipinapakita niya sa lahat.
Nakakatuwa talaga
yung mga taong nakikita mong gumagawa ng kabutihan sa kapwa. Hindi matutumbasan
ng kahit anong kayamanan at luho sa mundo ang ginagawa nila. Sila’y hindi mga
sugapa. Hindi sila mayayabang. Hindi sila nangmamata ng kapwa. Hindi sila ganid
sa kapangyarihan. Sa madaling sabi, hindi halang ang bituka nila. Sila yung mga
taong nakatakda na sa langit. Siguradong may kalalagyan na sila dun. Mahal nila
ang kanilang kapwa at ang Diyos kaya mahal din sila ng Diyos.
Yan ang buhay ng
tao. Isang buhay na punung-puno ng karanasan, kaalaman, kabutihan, kasamaan at
pag-asa. Isang buhay na tungo sa ikaliligtas o tungo sa ikapapahamak. Isang
paglalakbay tungo sa iba’t-ibang lugar at panahon sa daigdig. Isang
makabuluhang pakikipagsapalaran sa buhay. Isang laban na ang matibay lamang ang
nagwawagi. Isang pakikipagtunggali na kailangan nating ilaban at ipanalo
hanggang sa huli, hanggang sa huling tibok ng ating mga puso, hanggang sa
huling hininga, hanggang sa katapusan ng sanglibutan. Totoo ngang ang buhay ay
punong-puno ng kulay.
TEKSTONG DESKRIPTIBO
Isinulat
ni: Christine Rica C. Sernias
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento