Huwebes, Nobyembre 24, 2016

Pagtahak sa Daang Walang Liwanag

Madilim, wala akong makita. Animo'y nabalot ng makapal na kadiliman ang aking mundo. Tumakbo ako ng mabilis, ngunit pakiramdam ko'y nananatili ako sa aking kinatatayuan. Tinakbo ko pa ng matulin ngunit parang walang patutunguhan. Pakiramdam ko'y nagiisa ako sa mundong ito, parang gusto ko nang sumuko. Ngunit may bumubulong sa aking isipan. Animo'y hanging binibigkas ang salitang "laban pa". Nanghihina ngunit pinilit kong tumayo. Sumigaw ako sa kadiliman na nakabalot sa aking paningin. Umalingawngaw ang ingay sa aking isipan kasabay ng pagmulat ng aking mga mata.
Alas tres na pala ng umaga at kailangan ko nang bumangon at baka mahuli ako sa klase. Madilim pa rin, ang tanging nagbibigay liwanag sa tahanang ito ay ang kandilang nabili ko pa kahapon. Halos sampung minuto na lamang ang itatagal nito. Kailangan ko ring magmadali dahil malayo pa ang tatahakin kong daan patungo sa aming paaralan. Lalo't mag-isa ko na lamang binubuhay ang sarili ko. Namulat na ang aking mumunting mga mata sa lugar na puro kabataan. Hindi ko alam kung paano ako nakarating sa ganitong lugar. Tanging mga matatandang babae na tinatawag nilang sister ang nagsisilbing magulang namin. Kalauna'y may mga bumibisitang magkakapamilya o mag-asawa upang kausapin ang mga sister. Misteryo saking isipan kung ano ang mga pinaguusapan nila ngunit sa pagalis ng mag-asawa ay may isinasama silang bata na kasing edad ko. Sa pagtagal ng panahon ay tumatanda na rin ako. Kaya naisipan kong umalis sa mundong aking ginagalawan. Bumuo ako ng sarili kong mundo, dito ako napadpad sa probinsyang ito. Mahirap ang buhay dito sa probinsya. Halos 5 kilometro ang layo sa bayan na ang tanging daan ay ang malubak na daan. Walang bus o jeep na pwedeng sakyan kaya ang pagtahak sa malubak na daanang ito ang maaari ko lamang gawin. Alas kwatro na ng umaga ngunit madilim pa rin. Halos limang kilometro pa ang lalakarin ko ng mahigit dalawang oras. Matagal, madilim, malayo ngunit kakayanin. Tinahak ko ang madilim na daang maaaring makapagpabago ng buhay kong nababalot ng kadiliman. Naglakad ako sa masukal na daang ito. Malubak, malayo, halos hindi ko na namamalayang nasanay na ko sa ganitong sitwasyon. Paulit-ulit na ang ganitong pangyayare. Gigising ng maaga, lalakarin ang daang malubak upang makarating sa paaralan. Pagdating na tanghali tanging saging na sinaing lamang ang aking baon. Halos nasanay na rin ako sa lasa ng saging na ito. Halos wala ng bago sa buhay ko. Maliban sa mga natututunan ko sa paaralan. Ako ay karaniwang estudyante lamang. Meron din akong mga kaibigan. Ang tanging nagpapalakas sa akin ay ng panginoon. Kadalasa'y nakakaranas din ako ng mga pangyayari na hindi ko inaasahan. Tuwing Sabado't Linggo'y nagtatrabaho ako sa bayan bilang kargador sa palengke. Halos buong araw na walang tigil ang kayod. Halos nakakalimutan ko na ring kumain ng tanghalian. Damang-dama ko na ang kagutuman matapos ang buong araw na trabaho. Kakaunti lamang ang aking nasweldo. Sapat lang para sa mga gastusin sa paaralan. May isang tindahang nakahilera sa bayan na nagtitinda ng masarap na bibingka. Naisipan kong magnakaw dahil na rin sa kagutuman. Palapit na ko sa bibingkahan. Handa ko nang dukutin ng kapirasong bibingka na kanina ko pa nilalasap sa king isipan. Ngunit sa kalooban ko'y may sumigaw, animo'y pinipigilan ako sa kasalanang aking magagawa. Dumukot ako saking bulsa. Sampung piso, sapat na para sa isang bibingka. Pagtatrabahuhan ko na lamang ng maiigi bukas para mas marami ang sweldo. Mas mabuti pa ang magtiis ng isang araw kesa ikulong sa seldang mas madilim pa sa tinatahak ko ngayon. Alas siete na ng makarating ako sa aming bahay. Bumili na rin ako ng kandila na magbibigay liwanag sa kadilimang ito. Nahiga na ako sa kama. Napawi na rin ang gutom na  naramdaman ko kanina habang papauwi dahil sa nabili kong bibingka. Malalim na rin ang gabi at medyo dinadalaw na rin ako ng antok ng dahil sa pagod dulot ng maghapong pagtatrabaho. At tuluyan na akong nahimbing.

Narito na naman ako sa kadiliman, wala na naman akong makita. Animo'y nabalot ng makapal na kadiliman ang aking mundo. Tumakbo na naman ako ng mabilis ngunit tulad ng dati'y di pa rin nakakaslis sa kinatatayuan. Nagiisa na naman ako. Gusto ko nang  sumuko. Ngunit sa isang iglap ay parang may liwanag akong natanaw. Napakalayo, halos di ko maabot at narinig ko na lamang ang salitang "laban pa".


-Jay R. Bantog STEM-A-

1 komento:

  1. Wagkang susuko malalampasan mo rin yan, magdasal ka lamang sa poong maykapal. hindi ka nag-iisa kasama mo kami sa lahat ng pagsubok. "lumaban ka, wag kang mawalan ng pag asa"

    TumugonBurahin