Sabado, Nobyembre 26, 2016

Traysikel:
Karwahe sa Byahe ng Buhay

Sa gitna ng “peep-peep” ng mga mamahaling kotse, mga naglalakihang bus at trak, at mga pampasaherong dyip, “broom-broom” ng iba’t ibang humaharurot na motorsiklo, at iba pang malalakas at halo-halong busina at ungol ng sari-saring mga sasakyan, may isang ordinaryong  behikulong nakikisabay din sa mga sasakyang ito na tanging nakaagaw ng aking pansin. Isang pangkaraniwang behikulo lamang sa paningin ng iba ngunit para sa akin ang traysikel na ito ay isang karwahe sa bayahe ng buhay ng aming pamilya.
Isang musmos na bata pa lamang ako, pag-aari na ng aking uliran at butihang ama ang isang kulay puti na may halong kulay- dalandang Kawasaking traysikel. Isang traysikel na may kulay pulang upuanna kung saan makakaupo ka nang kumportable dahil sa kalambutang taglay nito, at may nakasulat na “OBIAS Family” sa unahan. Ang traysikel na ito ay isa sa pinagkukunang kabuhayan ng aking ama sa pamamagitan ng walang kapagurang pamamasada niya gamit ito. Bukod sa pangkabuhayang handog nito, ang traysikel ding ito ang siyang saksi sa byahe ng buhay ng aking pinakamamahal na pamilya. Kasabay nang pagtahak ng traysikel na ito sa maayos at sementadong daan, ang pananatiling ligtas, buo at masaya ang aming pamilya. Saksi ang traysikel na ito sa mga panahong pagmamahalan at kasiyahan parin ang naghahari sa aming pamilya. Gamit ang traysikel na ito, nakakapasyal kaming buong pamilya at nakapagliwaliw kami kahit saan tulad na lamang sa mga magagandang dalampasigan sa aming bayan at iba pang pasyalan sa mga karatig- bayan. Sumagi sa aking isipan ang alalang ito, na kapag naririnig na naming magkakapatid ang malakas at pamilyar na ungol ng makina nito dulot ng pagpapaandar ng aming ama ay magtatakbuhan na kami papunta rito at maingay na mag-aagawan ng pwesto na siyang aming uupuan habang tinatahak naming ang hindi naman kalayuang daan papunta sa bahay ng aming lolo at lola na nasa karatig-sitio lamang.
Hindi lamang mga masasayang kabanata ng aming buhay ang nasaksihan nito kundi pati na rin ang parte ng aming buhay kung saan nakaharap naming ang iba’t ibang dagok na parang unos na dumating sa aming pamilya. Isa na rito ang pagkawala ng lisensya ng aking ama na nagging dahilan upang malimitahan ang rutang maaaring puntahan gamit ang aming traysikel. Dahil din dito nagsimulng dumating ang iba pang problema na siyang naging dahilan upang tuluyan ng magbago ng 360-digri ang aming pamumuhay. Naalala ko noon na muntik ng mawala sa amin ang aming pinakamamahal na traysikel dahil na isipan ng aming mga magulang na isangla ito, buti na lamang at nakahanap ng ibang paraan ang aming ama upang masolusyonan ang aming problema. Bukod sa problemang iyon, isang napakalaking dagok sa aming pamilya ang dumating na siyang nasaksihan ng aming traysikel. Gamit ang traysikel na ito, naihatid ng pabalik- balik sa ospital ang aking nakababatang kapatid dahil sa dinaramdam nitong malubhang karamdaman. At napakalungkot isipin na ang sasakayang ding ito ang nagging karwahe upang maiuwi sa amin ang maputla, malamig at walang buhay na katawan ng aking nakababatang kapatid na siyang munting kerubin  ng aming pamilya. Isang napakalungkot na pangyayaring bumabalik sa aking memorya sa tuwing mag-isa akong nakaupo sa pulang kutson ng aming munting traysikel.
Napakahalaga ng traysikel na ito sa aming pamilya dahil sa mga hindi makakalimutang alaala na naipon naming dito. Ngunit totoong kahit gaano pa man kahalaga ang isang bagay, may mga pagkakataong kailangan nating itong isuko para sa ikabubuti ng lahat. Tulad na lamang ng aming traysikel na itinuturi naming kayamanan  na puno ng mga alaala ng mga karansang pinagdaanan ng aming pamilya, na isinakripisyo ng aking mga magulang kahit alam naming napakalabag sa kanilang kalooban upang masuportahan lamang kami sa aming mga pangarap. Ngunit kahit wala na sa amin ang traysikel na ito, ang mga alaala nito ay patuloy parin naming itatago at iingatan ng buong puso.
Isinulat ni: PHOEBE F. OBIAS 


1 komento: