Mabilis na pagtibok ng puso,
malamig na hanging yumayapos sa aking mga binti at di-magkamayaw na kagalakan,
iyan ang lagi kong nararanasan sa tuwing haharap sa aming telebisyong ginto
kung ituring upang masilayan ang naglalagablab na laban sa larong pampalakasan
na volleyball. Maglalaro na naman kasi ang paborito kong manlalaro, at ikamatay
man ng kawawang remote control ang lubusang pagkuyom ko rito dahil hindi ako
papayag na agawan ulit ng ubod ng kulit kong kapatid sa panonood ng paborito
kong laro.
Ang
telebisyon ang aking portal patungo sa mundo ni Nicole Tiamzon. Ito ay isang
napakalawak na Arena na puno ng hindi-mahulugang karayom sa dami ng mga
tagapanood. Maririnig ang mga sigaw rito na siyang nagsisilbing musika sa aking
mga tainga. Makikita ang kanilang walang sawang suporta sa makukulay nilang
kasuotan at sa mga iwinawagayway nilang mga balloons o kaya nama’y agaw pansing
mga banner. Sa itaas na bahagi ng Arena ay masusulyapan ang kahanga-hangang mga
banda ng bawat kupunan na siyang tumutugtog ng nakakapanindig-balahibong musika
sa bawat kumpas ng kanilang mga tambol. Sa ibaba naman ay matatagpuan ang mga
tagahanga ng bawat kupunan; matatanda, bata, babae, lalake, bakla at tibo,
lahat sila ay nais ipahayag ang kanilang pagmamahal sa sinusuportahang kupunan.
Nagsimula na ang malakas at di magkamayaw na sigawan at ito na ang hudyat na
magsisimula na ang laro.
Isa-isa
nang sinasambit at ipinapakilala ang bawat manlalaro. Hindi pa man nagsisimula
ang laban ay nararamdaman mo na ang umaalingasaw na nerbyos at tensyon mula sa
bawat manlalaro at manunuod. Tagaktak na pawis at matinding determinasyon ang
makikita mo sa mukha ng mga manlalaro. At oras na nga para simulan na ang laro.
Isang naglalagablab na bola ang siyang nagpapalipat-lipat sa bahagi ng dalawang
kampo habang mabilis ng paghagis rito at sa pagpitik nito sa bawat kamay na
madadampian. Hindi magkanda-ugaga ang hiyawan ng mga manonood, kahit na ang
aking diwa ay sumisigaw ng suporta para sa aking sinusuportahan na kupunan
habang nakatutok ang aking mga mata sa telebisyon sa bawat eksenang
ipinapakita. Mula sa kalagitnaan hanggang sa katapusan na bahagi ng laro ay
sumasayaw sa kabog ang aking puso at tila parang tinatambol sa sobrang lakas
nito at may mga paru-paro na nagliliwaliw sa aking tiyan na nagdudulot ng
kakaibang pakiramdam. Sa bawat puntos ng mga manlalaro ay may masisilayang
magiliw na sumasayaw habang ang iba naman ay kakakitaan ng matinding pagkakunot
ng mukha. Sa kabilang dako ay hindi mo kakakitaan ng panghihina ang mga
manlalaro habang iginagapang nila ang kupunan na manalo sa laban. Sa wakas,
natapos na ang napakainit na labanan at maririnig mo ang umaalingawngaw na
kasiyahan sa Arena. Nanalo na naman sila! Kahit ako ay hindi mapigilan na tumalon
na para akong palaka sa sobrang tuwang nararamdaman at nararamdaman ko rin sa
aking sarili na magiging maayos at maaliwalas ang susunod na mga araw para sa
akin.
Pagkatapos
ng laro makikita mo ang mga tagahanga na matamis na nakangiti dahil nanalo o kaya’y
nakasimangot dahil natalo ang kanilang sinusuportahang kupunan. Ngunit
gayumpaman ay tinatanggap pa rin nila ito ng buong puso dahil alam naman nilang
binigay ng mga manlalaro ang lahat ng kanilang makakaya. Habang ako naman ay
mananatili at matiyagang nag-aabang hanggang sa susunod na paglipad ng
nag-aalab na bola ng volleyball sa aming telebisyon.
Isinulat ni Gail E. Refugio
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento