Linggo, Nobyembre 27, 2016

Sa Likod ng Uniporme

                    Sa limang taon kong pag-aaral sa paaralan ng San Rafael ay tila nakabisado ko na ang  mga mag-aaral dito na kung tawagin ay Rafaelites. Sa tuwing sasapit ang umaga, mabilis pa sa kabayong may karera kung ako’y maghanda upang maiwasan ang pagiging huli sa klase. Ngunit sa aking pagdating sa paaralan, malayo pa lang ay rinig ko na ang tinig na nanggagaling sa unipormeng kulay dugo na may dalang paalala sa mga tamad na gumising ng maaga. Nalulubos ang aking paghanga  sa kasiyahan sa kanyang mukha tuwing si haring araw ay pinanonood na siya habang ang mga naka unipormeng kulay kayumanggi ay hindi matawarang sumisigaw ng kagalakan sapagkat nasa labas pa sila ng kwadradong pader. Ngunit ako’y napatakbo na lamang sapagkat mahirap ng kumawala sa nanlilisik na paningin ng taong nakaabang sa pintuan ng aming silid. Halos matuyo ang aking lalamunan sa dali daling pagtungo sa aking upuan. Sa apat na pader na ito ay mapapansin mo ang iba’t ibang uniporme. Mga unipormeng may matang nahahadlangan ng kasing kapal ng diksyunaryo sa silid-aklatan na salamin na gumagawa ng kanilang mga takdang aralin. Sa aking kanan naman ay matatanaw ang mga kasing linis ng sulatang papel ang pagmumukha na aakalain mong may mabigat na pinagdadaan sa buhay ngunit wala naman pala sadyang nakikinig lamang sila sa mga usong tugtuging galling sa kanilang mga gadyets. Sa may bintana naman, mapapanood mo ang pagpatak ng mga mapapait na butil ng tubig galing sa mga mata na dulot ng kabiguan, sila ang susunod na mga manunulat ng mga hugot lines ni Papa Jack.

            Sa likod naman, bagamat na malayo na sa aking kinauupuan ay maaaninag ang mga unipormeng na nakahiga sa sahig na masayang nakapatong ang mga ulo sa malulusog na binti ng kanilang mga katabi habang abala ang kanilang mga kamay sa pagpindot ng kanilang mga cellphone.  Ang iba nga ay himbing na himbing sa pagtulog sa ilalim ng mesa sapagkat natalo sa pustahan ng larong dota. Ngunit sa aking paglilibot sa paaralang ito ay marami akong natuklasan. Sa paglalakad ko sa hallway ay masisilayaan kaagad ang mga huwarang modelo na tila inubos ang gel sa tindahan ni Aling Javar upang maayos lamang ang kanilang mga pamatay insektong ulo na ang iba nga ay di -kulay pa.Mayroon din mga magagaspang na dila na walang pagod sa pagpapantasya sa kanilang mga hinahangaan sa katabing kwarto. May mga mapupulang kamatis  rin na konting kembot na lang ay magpapalit na sila ng maliit na salamin sa itim na sasakyan ni Ginoong Parza. Sa pagtungo mo naman sa canteen, madadaanan mo ang paglipad ng mga diyosang pinagkaitan ng katawang Eva na may malapipinong balat, mga kumikinang na mata at nagrorosas na pisngi at labi. Patungo naman sa kinaroroonan ng silid-aklatan ay nakakumpol ang mga bibong uniporme na may iba’t ibang kulay ang mga labi dulot ng lips kendi na sabik na sabik ibahagi sa kanilang mga kasama ang mga nasagap na malulutong na balita sa campus. Habang ang ibang uniporme naman ay kay sayang ipinta ang mga mukha na masasayang nakikiramdam lamang sa kanilang paligid. Ngunit hindi mo matutuklasan kung hindi mo tutunguhin ang likod ng mga gusaling iyon, mga unipormeng nag-uusok na galing sa sinisipsip na rolyong papel na kung minsan ay pinapangalanan nilang fortune na nagsisilbing pananghalian at meryenda sa mga natitirang araw ng pasukan.

                 Sa pag-iikot mo sa paaralang ito, iba’t ibang klase ng uniporme ang iyong makakasalamuha ngunit sila ay may iisang pangarap sa buhay. Ang makapaglakad sa mahabang red carpet kasama ang kanilang mga magulang dala ang maputing papel na nagpapatunay na sila ay nakapagtapos na sa pag-aaral. Sa paglaon ng panahon, kanilang maiintindihan at babalik-balikan ang mga alaala ng mga unipormeng minsa’y kulay dugo sa tuwing sila ay may ginagawang masama. Sa kanilang paglisan kasama ang kanilang mga pangarap sa paaralang ito, ay dala-dala nila ang mga pangaral na humubog sa kanilang pagkatao.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento