Abuhing
buhok, kulubot na balat, at mga matatamis na ngiting nakapagpapalubag ng
kalooban na puno ng bagabag- iyan ang impresyon na pumapasok sa aking isipan sa
tuwing sinasambit ang salitang “lola”, ngunit ito rin ang siyang salita na
nagbibigay-kirot sa aking puso. Alam ko na bawat isa sa inyo ay may iba’t-ibang
karanasan sa piling ng inyong lola, ngunit nais ko lamang na ibahagi at ilarawan
sa inyo ang aking pinakamamahal na lola at kung bakit kailanman ay
hinding-hindi ko siya malilimutan.
Sa isang
barangay sa lungsod ng Naga matatagpuan ang
munting tahanan ni Lola Ehms. Nakatira sila lola sa tinatawag nilang Urban Poor, kung saan ang mga mamamayang
payak at walang gaanong kasaganahan sa buhay ay pinapayagang manirahan. Sa
pagbungad sa maliit na kalye patungo sa kanilang bahay ay mamamasdan ang mga
makailan-ilang mga nananatili pa roon. Karamihan kasi ng mga bahay ay
abandonado na o kaya’y giba-giba na matapos na bilihin umano ang lupa
kinatitirikan ng mga kabahayan. Payak
lamang ito, hindi konkreto at halos pinagtagpi-tagpi na lamang ang mga pader,
plywood, at mga parte ng ginibang bahagi ng bahay nila, bagama’t narito parin
naman ang kalahating kabuuan ng bahay. Sa pagpasok ay maririnig na agad ang magiliw o
paminsan-minsan ay malungkot na makalumang tugtugin na makalagay sa mga cassete na siyang meron parin kami. Ito
ang paboritong musika ng aking lola na kadalasa’y sinasabayan pa niya sa kabila
ng kahirapan niya sa pagbigkas at maya’t-mayang malalim na paghugot ng hininga.
Naroon siya’t matiwasay na nakaratay sa kaniyang kama habang nakatingin sa
kawalan at inaawit ang musikang tila siya na lamang na nagbibigay-liwaliw sa
kaniya. Sa aking pagbati ay hinahalikan ko siya sa kulubot niyang mga pisngi at
tuwing makikilala niya ako ay susuklian niya ito ng matamis na ngiti at
maligayang pagbati. Nariyan ako’t hahaplusin ang kaniyang abuhing buhok habang
patuloy siya sa pagsasaad kung gaano siya kasabik makita ang kaniyang pinakamamahal
na apo at kasabay nito ay ang pamumuo ng
luha sa gilid ng kaniyang mga matang nagniningning tulad ng mga bituin. Tunay
na kahabag-habag ang sitwasyon ni Lola Ehms, halos kalahati na ng kaniyang ulo
hanggang paa ay paralisado kung kaya’t kakikitaan siya ng pangangayayat sa
kabila ng malalaki niyang buto at paminsan-minsan ay pamamaga ng katawan sa di
alam na dahilan.Dahil sa paralisadong estado ng kaniyang katawan ay pautal-utal
niyang sinasambit ang mga salita. Nariyan kami upang umalalay sa kaniya sa
kaniyang mga pangangailangan tulad na lamang sa pag-inom niya sa basong may straw at pagpapaupo sa kaniya sa upuan.
Alam kong nahahabag rin ang kapatid nila Mama kay Lola, ngunit sinisikap naming
na itago iyon sa mga pabiro nilang pangungulit kay Lola, pagsabay sa bawat
pilit na pag-awit niya o kaya’y sa magiliw na pagsasayaw sa makalumang tugtugin
na aming nakasanayan.
Pasko ang
paborito niyang parte ng taon. Noong nakakagalaw pa siya ay walang mintis ang
kaniyang paghahanda sa Christmas tree
na tulad ng mga makaunang uri nito na kailangan pang isa-isang lagyan ng mga
piraso ng luntiang papel de hapon sa loob ng mga butas ng chicken wirena nakapalibot ng pabuka mula sa itaas pababa sa isang
metal na poste. Matapos nito ay sasabitan niya ito ng sari-saring mga ornamento
tulad na lamang ng nagkikintabang mga Christmas
balls at mga maliliit na pigura ng mga anghel. Huli nito ay ang pagpulupot
niya ng Christmas lightsna
nagsasayawan ang mga ilaw sa iba’t-ibang kulay at siyang nagbibigay ng hiwaga
sa Christmas tree, sa kabuuan ng bahay,
at sa aming pagdiriwang ng Pasko. Nariyan din ang hilera ng mga mahahabang
medyas na punong-puno ng mga kendi at prutas na madalas ay kahel o kaya naman
ay mansanas. Hanggang noong huling pagdiriwang naming ng Pasko ay sinikap naminna
ipagpatuloy pa ang tradisyong kaniyang sinimulan. Lingid sa aming kaalaman ay
iyon na pala ang huling pagdiriwang naming ng Pasko kapiling siya.
Nitong Oktubre
lamang, habang nakaupo si Mama sa maliit naming sofa ay nakatanggap kami ng
kahindik-hindik na balita. Bakas ito sa tono ng boses ng aking ina na siyang
sinundan ng walang-tigil na pag-agos ng kaniyang luha. Kaba, takot, kirot, lungkot, pangungulila,
pagkabalisa-iyan ang sabay-sabay na emosyong umagos sa aking sarili. Hindi ko
rin naiwasang makaramdam ng pagkapoot sa aking sarili. Isa lang ang naglalaro
sa aking isipan- hindi man lang ako nakapagpaalam sa kaniya. Napuno ng hindi
masukat na kalungkutan ang bahay.
Litrato ng isang
nakangiting Lola Ehms ang aming nasalubong na punerarya. Katabi nito ang
malaking kandila na siyang nagbibigay-liwanag sa kaniyang maaliwalas na mukha.
Sa harap ng hilera ng mga puti at malalambot na sofa ay ang kaniyang
hinihimlayan. Simputi ito ng mga alapaap na may mga disenyong ginintuan.
Pinalilibutan ito ng sari-saring mga bulaklak; malalaki, maliliit, de poste at naka-boquet, at napapatungan ng mga puti o
lilang laso kung saan nakasulat ang mga pangalan ng nagbigay ng mga ito na
siyang nagmamahal sa kaniya. Mistula lamang siyang mahimbing na natutulog sa
kaniyang higaan, ngunit sa pagkakataong ito ay tila wala nang idinadaing na
sakit o hirap sa paghinga. Payapa na siyang natutulog sa magara niyang puting
bestida at koloreteng siyang nagbigay-buhay sa kaniyang mukha. Muling natipon
ang malaki naming pamilya, ang siyam niyang mga anak na masasabi naming literal
na malalaki dahil sa halong kalahating Espanyol na dugo ng pumanaw niyang
kabiyak, at ang kaniyang mga apo na siyang nabahagian rin ng parehong katangian.
Namumugto ang aming mga mata ngunit sa kabila nito ay pumipilit parin na
ngumiti. Iyon ang mahalagang ibinilin ni Lola, aniya,”Bawal ang malungkot. Dapat
masaya lang palagi”. Sa kabila naman kasi nito ay alam naming natapos na ang
tatlong taong paghihirap ni lola habang nakaratay siya sa kaniyang higaan at sa
pag-inom niya ng napakaraming mga gamot na siya na lamang na pumapawi sa sakit
at mga karamdamang kaniyang naranasan. Sa kalaliman ng huling gabi ng lamay inalayan
siya ng isang natatanging handog atpagbabalik-tanaw sa magagandang alaalang
kaniyang iniwan. Hindi ko mapigilan ang pag-agos ng maiinit na likido sa aking
mga mata at ang paghapdi at pagkirot ng aking puso habang isa-isang ipinapakita
ang mga larawan niyang nakangiti. Isang larawan ang talagang nagdulot sa akin
ng matinding kalungkutan at pangungulila dahilan upang mapakawalan ko ang di ko
inaasahang paghagulhol at paghikbi. Ito ay ang larawan noong pagdiriwang namin
ng Araw ng mga Ina. Lubos ang ligaya at giliw na kaniyang ipinamalas ng araw na
iyon. Nakasuot siya ng paborito niyang kulay-atsueteng bestida at siya mismo
ang nagsabi na kunan kaming dalawa ng litrato. Suot niya ang pinakamaaliwalas
at pinakamatamis niyang ngiti habang nakatitig sa kamera at katabi ang kaniyang
apo. Wala siyang sumpong at sakit na dinaing ng oras na iyon. Iyon ang
pinakanatatangi naming litrato sa lahat. At iyon rin ang litratong siyang
nagsisilbing alaala ng samahan naming ng pinakamamahal kong lola.
Makukulay at
masasayang alaala ang aking ipinapanatili sa aking isipan tuwing naiisip ko ang
pinakamamahal kong Lola Ehms. Nariyan siya sa tuwing bibisita ako sa aming
payak ngunit maligayang tahanan sa Naga, sa aking pag-inom ng maligamgam na
gatas na pareho naming paborito, sa pagkain ng malapot na ginataang kalabasa at
maalat-alat na tuyo, sa pakikinig ng mga makalumang tugtugin at mga kundiman sa
radyo tuwing linggo, at sa paghahanda ng mga makukulay at kumikinang na mga
ornamento sa tuwing sasapit ang kapaskuhan. Kailanman ay hindi lilisan ang
mainit niyang pagmamahal at pag-aaruga sa akin. Ito ang huli at madamdaming
mensahe niya napaulit-ulit niyang sinambit at iniwan sa aming lahat bago niya
kami lisanin- “Mahal na mahal ko kayong lahat!”.
Isinulat ni:
AJ Isidro G. Belaro