Sabado, Nobyembre 26, 2016

Bituing Walang Ningnig
ni Unique Faye Dadis

Mabaho, madumi, gusgusin, patay-gutom at hampas-lupa. Iyan na lamang kung matawag ang mga batang lansangan. Sa panahon ngayon, di na bago sa ating panignin ang makakita ng mga batang palaboy laboy sa lansangan. Naliligaw ng landas, walang matuluyan, kumakalam ang tiyan, salat sa kaalaman, walang sapat na panustos sa pangangailangan at tila ba’y nagaabang na lang ng panganib sa gitna ng nanganganib na gabi. Taon–taon na lamang kung lumulobo ang populasyon ng mga kaawa-awang kabataang ito. Karamihan sa kanila’y nagbabanat na ng buto na wala pa sa hustong gulang makaraos lang ng araw na makakain kahit isang isang beses lang. Ano kaya ang mangyayari kung patuloy na lamang na madaragdagan ang mga batang malabo ang kinabukasan?

Kung iyong napapansin, karamihan sa mga batang lansangan na ito’y produkto ng wasak na pamilya o di kaya’y produkto rin ng napariwarang landas. Hindi nila ginusto ang kinalakihan nilang buhay. Tulad ng iba, sila ay patuloy ring nangangarap na makaahon sa hirap na dulot ng buhay. Umaasa na balang araw makaranas rin ng ginhawa sa buhay. Ngunit di mapagbigyan ng pagkakataon.

May mga pagkakataong sadyang mahirap unawain ang kanilang paguugali, dala ng lugar na kinalang kinalakihan. Karamihan sa kanila’y lumaki ng walang ideya sa kung ano ang kanilang ginawa o ginagawa. Dahil sa kakulangan sa atensyon at tamang paggabay ng magulang, sila’y madaling maimpluwensyahan. Marami sa kanila’y natututo na ng mga bagay na di naaayon sa kanilang gulang, maging sa batas ng Diyos at ng tao. Sa murang edad pa lamang, sila’y natututo na ng mga bisyo gaya ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, pakikipagpustahan, at maging pagmumura at pagnanakaw.

Minsan, sa paglalakad natin sa lansangan ay may kikilibit na lang bigla sa ating likuran. Iaabot ang kanilang munting mga kamay at mamalimos, hihingi ng kaunting tulong. Kaawa-awa nga kung sila’y titingnan, ngunit nakakabahala rin. Ilan sa kanila’y hawak ng mga sindikato. Pinaglilimos, pinagtatrabaho at kung minsan nama’y pinagnanakaw o pinaggagawa ng anumang krimen na may kinalaman sa pagkita ng pera. Di man nila gusto, mapipilitan nalang silang gawin ang mga ito huwag lang mapagalitan, mabugbog o mapagbantaan ang buhay.


“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” ika nga. Kung kaya kailangan silang gabayan ng mabuti upang maging mabuting ihemplo balang araw. Hindi ang kasulukuyang estado ng buhay ang magsasabi kung saan ang hangganan ng kanilang maabot. Hindi ang kanilang kamusmusan o kaya’y kahirapan. Gaya ng ibang bata, sila’y nangangailangan ng pagkalinga at pagmamahal mula sa pamilya, kaibigan o maging sa di kakilala upang mapabuti sa kahit anumang aspeto at di mapariwara ng landas.
                           
                                                                                                              -Tekstong Deskriptibo-


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento