Paano nga ba magmahal ang isang halaman? O ang mas magandang tanong,
marunong nga bang mahulog at umibig ang isang halaman? Marahil nga siguro hindi
marunong lumandi at magpa-kyut ang isang halaman sa mga lalaki, o kaya naman ay
echapwera na sa kanya ang pag-ibig dahil mas pinipili niya na lamang na nasa
paligid, di nakikita at di napapansin ng kahit na sinong ayaw niyang pansinin
siya. Pero huwag kang magkakamaling isiping normal siya dahil mas madalas nga
ay mas mapait pa siya sa sampung ampalaya, na sa sobrang pait ay di mo na
matiyagaan na kainin, lalo pa sa tuwing may huhugot o magpapakita ng kanyang
bagong boylet o chicks sa harapan niya o kaya naman ay hanggang sa abot ng
kanyang ‘bitter’ radar na umaabot ng 2 kilometro. Minsan pa nga ay kulang na
lang na ipakulam niya ang mga naglalandian at pinagkakalandakan ang bagong
status na ‘in a relationship’ sa social media man o sa totoong buhay. Minsan
naman ay tila nangangati na siyang dukutin ang mga matang kumiskilap na tila
mga tala kapag ang kaibigan niya, na kulang na lang ay tubuan ng pakpak at
lumipad papunta sa ika-siyam na ulap, ay binabati ng isang magandang umaga ng
kinababaliwan niyang lalaki, na pwedeng ikapatay ng butiki o lamok kapag
namaling mahulog o dumapo sa ulo niya na punong-puno ng pomada.
Marami ang nagsasabi na ang pag-ibig na ang pinakamagandang nangyari sa
kanilang buhay, na ito ay nagbibigay ng kulay sa mundo nilang dati ay itim at
puti lamang, na ito ang nagiging himig nila sa bawat araw na lumilipas, na ito
ay maihahambing sa isang walang kamatayang bulaklak na bigla na lamang na
tumubo ng magtama kuno ang kanilang mga paningin. Meron naman na mahilig sa
isang dysfunctional na relasyon, mga
taong mayroong Cinderella Syndrome na
di nakukuntento sa normal na relasyon kundi hinahanap ang pag-ibig na
nakakalasing, na tila droga na nakaka “hook” at kahit na masasaktan sila ng
sobra-sobra na tila dinudurog na ang kanilang puso ay hinahanap-hanap pa rin na
tila kinuha sa kanya ang talang nagbibigay liwanag sa kaniyang buhay. Syempre,
mawawala ba riyan ang mga taong tinuturing na OTP ng bayan, na simula sa
pagbati nila ng magandang umaga hanggang sa kanilang mga away na parang World War
III na ay tinuturing pa rin na napakatamis dahil lamang sa kanilang perpektong
kemistri, nag-aaway man o nag-lalambingan. Aba’t makakalimutan ba ang tipikal
na mga relasyon, mga sterotype kung baga? Kung hindi naman basagulerong
gangster na ngayon ay naging matino ng dahil sa pag-ibig, nariyan naman ang mga
bestfriend na hindi magkaaminan ng dahil ayaw nilang isakripisyo ang kanilang
pagkakaibigan… Meron naman na pag-ibig na sa isang panig lamang, o kundi naman
ay mga love triangle na nagtatapos
lang naman sa normal na ruta ng kanilang kwento.
Siguro kung magtatanong ka sa iba’t ibang tao kung ano ang kanilang
paniniwala o depinisyon sa pag-ibig, hindi na nakakapagtaka na ang nagigi
nilang sagot ay iba’t iba, mayroong pabebe ang sagot, mayroon naman na ispeechless
at walang maisagot o kaya naman ay mayroong walang pakialam at di ka lang
papansinin. Ang mga taong tulad nito ay siyang mga halaman,mas pinipili nilang
iugat ang sarili sa lupa, na walang pakialam sa mga lalaki, walang oras para sa
pag-ibig at hindi tumitingin o naiingit sa mga taong kulang na lang ipagsigawan
sa buong mundo na nakuha na nila ang poreber nila tapos makalipas ang isang
linggo, parang sinakluban na ng langit at lupa dahil sa namangka sa dalawang
ilog ang kasintahan niya. Sila yung tipo ng tao na kapag dumulog ka ng problema
mo sa pag-ibig ay magaling magbigay ng mga payo, yung walang pakialam sa
kanilang itsura dahil di naman sila napapansin, tulad ng isang halaman na nasa
paligid natin subalit hindi naman gaanong binibigyang halaga lalo pa at hindi
ito mahalimuyak tulad ng isang bulaklak o kaya naman ay mayroong kakaibang mga
katangian na mapapalingon ka ng isa pang beses kapag nakita mo. Sila yung tipo
ng tao na kapag itinabi mo sa isang queen bee, campus nerd, varsity player, class
clown at emo, hinding hindi mo sila mapapansin, tila isa lamang silang
palamuti. Pero paano nga ba kung ang isang halaman ay nahulog at ang ugat
niyang nasa lupa ay biglang umugat sa puso ng iba?
Mayroong kasabihang asahan ang mga bagay na di mo inaasahan, lalo pa at
ang mga bagay at pangyayari na sa tingin mo mangyayari lamang kapag
nagsiliparan na ang mga baboy. Subalit kung ang propesor mo nga sa kolehiya na
sing sungit ng menopausal na babae, ay kayang maging mabait at magbigay ng flat
1, paano pa kaya kung dalawin na ni kupido ang pusong nag-ugat na sa lupa at
patamaan ng pana? O kaya kung sa pagising ng isang halaman ay natagpuan na
lamang niyang ang kanyang mga ugat ay wala na sa lupa bagkus ay nasa mainit na
palad na siya ng mga kamay na bumunot sa kanyang mga ugat? O kaya naman ay kung
dahan-dahan ng manumbalik sa kanya ang pagiging tao muli na may nararamdaman at
nagpapakatanga rin? Mahirap isipin ang ganitong mga scenario pero, hindi naman
imposible, lalo pa at sa karamihan ng mga kilala kong mga halaman ay nanumbalik
na sa pagigi nilang tao at tinalikuran na ang pag-aanyo nilang mga halaman.
Siguro iniisip mo ngayon na kapag umibig na ang isang halaman ay yung
tipong nag-aalab ang puso o yung makikita mo kung paano kumislap ang mga mata
niya sa tuwing dadaan ang taong inugatan ng puso niya, pero hindi eh, tao pa
rin ang isang halaman, kaya katulad ng isang normal na tao, kung mahulog ang
kanyang loob at magsimulang umugat ang puso niya ay gagawin pa rin niya ang
ginagawa ng isang normal na tao. Madalas ng pag-iisipan kung kamusta ang itsura niya, maayos ba ang buhok niya o kaya naman ay lumulukso na ang puso kapag binabati
o kinakausap siya ng walang kamalay-malay na tao na naghahawak ng mga ugat niya
ngayon. Darating pa diyan ang mga panahon na hahampasin na niya ang mga
kaibigan niya ng dahil sa sobrang kilig na kulang na lang ay himatayin siya sa
sobrang tuwa. Pero ika nga, ang pag-ibig na iisa lamang ang nag-aalaga ay di
magtatagal, paano pa kaya kung yung mga walang label kuno ang kanilang
relasyon, na sa paningin ng isa ay magkaibigan lamang kayo, na parang hanging
ka lamang na dumaan sa kaniyang buhay samantalang ikaw naman si tanga, umasa na
ang bawat sulyap at ngiti niya ay may ibig sabihin, na sa bawat pagdampi ng
inyong mga daliri kahit sandali lamang ay mga pruweba na pareho ang
nararamdaman ninyo. Hindi man lang sumagi sa isipan mo na siguro kaya siya
nakikipag-usap ay dahil sa kailangan lamang, na kaya siya natatawa sa tuwing
nakikita ka dahil masyadong obvious ang ekspresyon mo na tila tinamaan ka na ng
todo ni kupido o kaya naman ay aksidente lamang ang mga pagdampi ng mga daliri
at balat niyo.
Subalit ang pagkakaiba lamang ng isang halaman na nag-anyong tao sa
isang normal na tao sa ay pagkabuwal ng kanyang ugat mula sa lupa, unti-unti
naman na namamatay siya, malalagas ang bawat dahon sa bawat patak ng luha niya
hanggang sa ang kanyang mga ugat na nailipat sa puso ay dahan dahang mahuhulog
sa lupa kasabay ang pagkabasag ng puso niya. Nanaisin na niya na muling bumalik
sa pagiging halaman na ang mga ugat ay nakalagay sa lupa at hindi
nagpapakatanga ng dahil sa pag-ibig, yung mga panahon na kapag nakikita siya ng
kaibigan niya, hindi siya sasabihan ng mga salitang sayang at move on, yung mga panahong siya lamang
ang nasa mundo niya at walang pakialam sa mundo.
Madalas ay ang pag-ibig na hinahanap natin ay yung tipong ibabalik sa
atin, yung susuklian din ng pagmamahal at hindi masasayang, yung hinding-hindi
ka ipagpapalit at patuloy ka pa rin na mamahalin kahit na ano mang unos ang
dumating pero ang totoong buhay kasi hindi ganyan ka saya, hindi naman
magtatapos ang kwento sa ‘at namuhay sila ng masaya habang buhay’, kahit nga
ang mga kwentong malapantasya ay may natatagong kadiliman. Huwag kayong
magkakamaling isipin na kapag umibig at nahulog na ang isang halaman ay
magbabagong anyo siya mula sa isang di napapansin na halaman patungo sa isang
napakagandang prinsesa na pagkakaguluhan. Wala naman na Prince Charming na
maghahabol sa iyo para pulutin ang naiwan mong sapatos, itatapon lang yan, o
kaya naman ay hahlik sa iyo para putulin ang sumpa, di sana lahat na lang ng
problema maaayos kapag may humalik sa iyo.
Paano nga ba magmahal ang isang halaman? Hindi ito katulad ng isang tao
na alam kung hanggang saan lamang ang dapat ibigay at dapat itago para sa
sarili, gagawin nito ang lahat at ibibigay ang lahat kahit na ikamamatay niya
ito. Hindi dahil sa gusto niya kundi dahil siya ay isang halaman, napapansin
lamang kapag may maibibigay, lumalago kapag nasa tamang taniman at namamatay,
kahit gaano niya pa man gustuhing mabuhay, kapag ang mga ugat niya ay aalisin
mula sa lupang kanyang pinamuhayan.
Isinulat ni Jeanne Micah Herrera
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento