Biyernes, Nobyembre 25, 2016

“Pagbaliktanaw Sa Nakaraan”

Isa ang hayskul sa mga makukulay na yugto ng ating buhay, dito nararanasan natin ang mga bagay na di natin kalianman naranasan sa elementarya o maging sa kolehiyo. Sabi nga nila, ang hayskul daw ang pinakamasayang parte ng pag-aaral. Ang karanasang lumabas sa mundo ng kamusmusan at walang kamalayan. Hayskul ang yugto ng buhay kung saan matututo kang maging tamad, ma-inlove, makipag-away at makakahanap ng mga tunay na kaibigan.
Masaya nga ang buhay hayskul, dahil sa mga nagliliparang tsismis at mga di mapigil na mga halakhak kapag kasama mo ang iyong mga kaibigan,  mga kwentong walang kabuluhan ngunit nakakatawa parin. Ganoon na rin ang mga kaba-moments kapag exams lalo na kapag nalimutang magreview, kaya`t kahit paminsan-minsa`y humahaba ang leeg at nagiging magnifying glass ang mga mata. Kailan ba nawala ang usapang pag-ibig sa hayskul? Nagsimula sa simpleng crush, mutual na pagtingin hanggang sa maging magkasintahan. Madalas ring maging tambayan  ang comfort room upang madaanan si crush sa kanilang klassrum sabay tili at yakap sa katabi. Di rin nawala ang  ¼ sheet of paper charity events pagdating ng pagsusulit at nakawan ng ballpen. Yung mga estudyanteng pagdating sa klassrum sisigaw ng “Sinong may assignment? PAKOPYA” kasi nag COC magdamag.
Nakaupo sa unahan ang mga estudyanteng nais matuto habang sa hulihan naman ang mga estudyanteng patagong kumakain, natutulog at naglalandian. Sa hayskul mo rin mararanasan ang iba`t ibang uri ng quiz, long quiz, surprise quiz at open note quiz. Kapag walang magawa, makikita mo ang mga estudyanteng nakaupo sa bawat sulok ng klassrum nanunuod ng pelikula sa laptop, naglalaro o nagseselfie sa cellphone, nagbubulungan, nagtatawanan, may nakataas ang paa at may mga natutulog sa sahig nakakumot ng manila paper. Isang grupo na may walong estudyante ang magpapaalam na pupunta sa CR at babalik kapag matatapos na ang klase. Hingian ng polbo at pabango, walang tigil na tilian sa classroom, mga wacky pose, extension ng deadlines at panlilibak sa mga kinaiinisang guro.
Hindi rin palaging masaya ang buhay sa hayskul, may mga gurong nagbibigay ng isang bundok ng takdang-aralin at projects, pagpupuyat makatapos lang ang research proposals, overnight practice tuwing may PE presentations, paghahabol ng deadlines at madugong pag-aaral sa exams, surprise reports at marami pang iba.

Bilang isang studyante wala namang pumipigil sa ating maging masaya, ang mahalaga ay alam natin ang ating mga limitasyon at responsibilidad. Mahalaga ang bawat karanasan at aral na pinunla  ng mga taong nangangarap na magkaroon tayo ng magandang kinabukasan at ng mga taong tinulungan tayong maabot ang  hagdan ng ating mga pangarap at naging parte ng ating paglalakbay.

                                                                                          -Isinulat ni: Karla Marsia S. Uno-

2 komento: