Sabado, Nobyembre 26, 2016

Mundo ng Kamusmusan

         Sa paglubog at paglipas ng mga araw, sa pagdaan ng mga taon, unti-unti tayong nalilibang ng panahon sa mga bagay-bagay na nagiging dahilan upang tayo’y makalimot sa kasiyahang hatid ng ating kamusmusan. Ngunit kahit isang libong taon pa ang lumipas, lumain man ng panahon, sariwang-sariwa pa rin sa aking ala-ala ang mga panahon kung saan ako nakaramdam ng labis na kasiyahan. Mga panahong walang pakundangan ang aking pagtakbo sa masikip at maduming lansangan. Mga ala-alang naiwan namin sa bawat sulok ng luma, malaki at abandonadong bahay. Mga tawanan, iyakan, harutan na hanggang ngayon ay dinig na dinig ko pa sa ilalim ng mataas na puno ng kamusmusan. Ngunit masakit isipin na hanggang ala-ala ko na lamang magagawa ang lahat ng ito. Mga ala-alang puno ng kasiyahan, kalungkutan at kamusmusan.
        Papasok sa maliit, masikip at maruming eskinita, makikita ang pinaghalong balot ng kendi na nabili sa maliit na tindahan ni Aling Juliet at mga yupi at tuyong dahon na nagkalat sa maliit na espasyo nito. Kahit walong taon na ang nakalipas, nababakas ko pa rin ang sarili kong yapak na abalang-abala sa pakikipaglaro ng habulan sa mga kapwa kong musmos na walang tigil sa pagtakbo. Maiingay ang maliliit na boses na parang bolang tumatama sa magkabilaang dingding ng dalawang lumang bahay na kumokonekta sa masikip na eskinita.
             Sa dulo nito, makikita ang isang malaking bato na naging tambayan namin pagkatapos ng nakakapagod na paglalaro. Sa unahan nito, matatagpuan ang maliit na tindahan ni Aling Juliet kung saan mabentang-mabenta ang “banana cue” na binubudburan ng isang kutsarang asukal at iniluluto sa mainit at kumukulong mantika. Nabibili lamang sa halagang limang piso ang bawat isang piraso at kung masuwerte akong nabibigyan ng aking mga magulang ng pera, nakakabili ako ng apat na piraso na masaya naming pinaghahatian pagkatapos ng paglalaro.
            Sa paglubog na araw, magkakasunod na yapak ng mga tao na tinutungo ang iba’t-ibang direksyon pauwi sa kanilang munting tahanan ang tanging maririnig. Kasabay nito ang unti-unting paglakas ng nakakabinging huni ng mga kuliglig, hudyat ng unti-unting pagkagat ng dilim. Sa loob ng aming tahanan, makikita ang nakahandang pagkain sa ibabaw ng mesang yari sa puno ng Narra kung saan nagtipon-tipon kaming mag-anak upang pagsaluhan ang masarap na pagkaing nakalatag  dito. Habang masayang kumakain, nanonood kami ng popular na teleserye noon sa aming di-kalumaang telebisyon na nakapatong sa mesang may kulay tsokolateng disenyo na gawa sa kahoy at karaniwang nabibili sa “mall”. 
               Sa muling pagsikat ng araw, bandang hapon, maririnig muli ang masasayang yapak at maiingay na tinig naming mga musmos. Ngunit hindi ito patungo sa makitid na eskinita, kundi sa isang abandonadong bahay na may kalakihan at halatang napag-iwanan na ng panahon dahil sa lumang disenyo nito at butas butas na bubong. Hindi namin alintana ang lahat ng ito, matibay ang pundasyon ng bahay at maraming pasikot-sikot na siyang dahilan kung bakit ito ang napili naming lugar upang paglaruan ng tagu-taguan. Masasayang tawanan na halatang nage-enjoy sa paglalaro at mga maliliit na paghakbang ang tanging maririnig sa bawat sulok ng lumang bahay. Mga munting tinig, hagikhik na halatang pag-aari ng mga musmos. 
              Di matatawarang saya ang aking nadama sa bawat ala-alang hatid ng aking kamusmusan. Mga ala-alang puno ng tawanan, kulitan at kalokohan. Mga ala-alang mananatiling nakatatak sa aking isipan at hinding-hindi malilimutan kahit dumating pa ang panahon kung kailan ako ay uugod-ugod na, pumuti man ang lahat ng hibla ng aking mahabang buhok at maging marupok man ang aking buto. Masasabi kong ito ang pinakamasasayang araw ng aking kabataan kung saan ako ay isang musmos at walang ibang alam na gawin kundi ang maglaro at damhin ang saya at kagandahan ng buhay. 
           
                                                                                            
                                                                                               -Isinulat ni Jane A. Dominguez-

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento