Sabado, Nobyembre 26, 2016

Di  Mabayarang Pagmamahal
           
            "Bakit gabi ka na naman umuwi? Saan ka na naman galing? Nagsaing ka na ba? Para kang may katulong, Linisan mo na yan!" Iyan ang walang katapusang linya ni nanay araw-araw na halos maisaulo ko na. Kulang na nga lang na iyan na ang maisagot ko sa mga pagsusulit namin sa paaralan. Para bang isa itong ritwal na kailangan kong matanggap mula sa kanya. Ngunit kaakibat naman ng mga salitang iyan ang linyang, "Bibi, kain kana. Huwag magpapagutom baka magkasakit ka." Sa ganitong sitwasyon, hindi ko maiwasang palihim na mapangiti dahil, dito nararamdaman ang kanyang pagkalinga't pag-aaruga. Alam ko rin na sa likod ng mga sermon niya nakatago ang tunay at dalisay na pagmamahal ng isang ina.
            Nanay, inay, mama, mommy, ermats, mudra kahit ano pa ang tawag natin sa babaeng nagluwal sa atin, sila pa rin ang pinakamagandang biyaya mula sa Diyos. Ang biyayang may angking dakilang pagmamahal na hindi kayang tumbasan ng kahit na anong halaga. At ang pagmamahal na ito ang nagbigay buhay sa atin. Ang pagmamahal na walang pinipili, mamahalin ka maging sino ka man. Ganyan ang pagmamahal ng isang ina. Ito'y hindi rin naghahangad na mahalin siya, kahit na galit, inis o pagkamuhi pa ang isauli ng kanyang anak, patuloy pa rin ang pagmamahal nito sa kanya. Sa katunayan isa rin ako sa mga anak na nagalit  sa sariling ina.
            Sobrang pagkamuhi ang aking naramdaman noong panahong may problema kaming pinagdaanan, sa kadahilanang hindi ko gusto ang nagawang desisyon ni mama. Ang desisyong nagpa-alab ng galit sa puso ko na siyang dahilan ng paglisan ko sa aming tahanan. Pumunta ako noon sa lugar na milya-milya ang distansya mula sa kanya. Sa lugar na wala siya. Walang inang mag-aasikaso, magluluto, mag-aalaga at magmamahal sa akin. Gayunpaman, tiniis kong mabuhay sa panahong iyon na wala siya. Sa loob ng dalawang buwan, dumaan ang araw ng mga ina o ang Mother's Day at hindi man lang siya nakatanggap ng bati mula sa akin. Kinain ng sobrang galit ang puso ko, kaya hindi ko nagawang magparamdam sa kanya, kahit text o tawag man lang. Alam ko ring labis na pag-aalala ang nararamdaman niya, dahil araw-araw niya akong pinadadalhan ng mga mensaheng, "Nasaan ka? umuwi ka na dito sa bahay. Nag-aalala na ako sayo. Miss na kita. Mahal na mahal kita anak." Ito ang mga salitang nagpalambot ng puso kong bato at ang pumatay sa lumalagablab na galit ng puso ko. Kaya sa araw ng aking pagbabalik, ang puso't isip ko ay puno ng pag-aalinlangan kung tama pa bang bumalik ako. "Tatanggapin niya pa kaya ako? Mahal niya pa ako?", iyan ang mga katanungan na gumugulo sa isip ko. Ngunit naglaho ito noong makita ko ang isang pamilyar na babae, na nakatayo sa bukana ng aming tahanan. Kitang-kita ko ang mga kislap ng kanyang mga mata noong dumapo ang kanyang paningin sa akin. Agad niya naman akong sinalubong at binigyan ng isang mahigpit na yakap kasabay ang pagtulo ng mga luha mula sa kanyang mga mata. Wala akong naramdamang galit o kahit konting pagkamuhi mula sa kanya, tanging pagkalinga't pagmamahal lamang. Sa kabila ng mga sakit at pahirap na naiparamdam ko sa kanya, tinanggap at minahal niya pa rin ako.
            Tunay ngang hindi nagbabago ang pagmamahal ng ating mga ina. Kahit gaano pa kasakit ang naidulot natin sa kanila, walang labis at walang kulang pa rin kung magmahal sila. Makalimutan man o talikdan natin sila, nariyan at nariyan pa rin sila naghihintay sa pagbabalik ng kanilang mga munting anak. Hindi natin makikita sa iba ang ganitong uri ng pagmamahal, tanging sa ating mga ina lamang. Kahit nakakarindi na talaga pakinggan ang mga paboritong linya nila sa sermon, mahal na mahal pa rin nila tayo at hindi na iyon magbabago pa. At ito ang pagmamahal na hindi nating kayang bayaran.  Kaya naman suklian na lamang natin ito ng pagmamahal na nararapat rin para sa ating mga ina.


                                                                                                Isinulat ni: Bianca Louise B. Bea

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento