Biyernes, Nobyembre 25, 2016

Pinta sa Pasilyo

          Masikip, maingay, nagkukumpulang mga tao ang makikita sa daanan papasok. Takbo doon,takbo dito na tila’y wala nang bukas.Sa bawat yapak na iyong maririrnig, kasabay nito  ang sari-saring emosyong naka-pinta sa bawat mukha na iyong makikita. Tuwa, takot, kaba,pagka-yamot at inis ay ilan lamang sa mga ito.
         Sa pagtungtong mo pa lang, agad mong matatanaw ang matataas at matatayog na gusali. Magaganda ang istraktura at may matitingkad na kulay na nakakahikayat sa mga tao.Sa bandang  gitna  ay makikita ang entablado at ang katabi nito ay ang bandila ng ating bansa. Malapit dito ang malawak na palaruan na kung saan ay malalanghap mo ang sariwang simoy ng hangin. Sa palibot nito ay ang mga gusali na nahahanay ayon sa bawat baitang. Maliban sa nagagandahang silid ay maaagaw ang iyong atensyon sa mga puno’t halaman na nagbibigay kulay at nagsisilbing magandang tanawin sa paligid. Bukod dito,ito rin ay nagsisilbing tambayan ng mga taong gustong magpahinga sa mga tambak na gawain na kanilang kinakaharap o kaya ay nagsisilbing lugar na kung saan ay naguusap-usap ang mga magkakaibigan tungkol sa kanilang karanasan sa buhay.
          Sa bawat sulok ng lugar na iyong madaraanan,sari-saring usapan ang iyong maririnig na tila’y hindi nagkita-kita ng mahigit isang taon.May kanya-kanyang pinagkakaabalahan at pinagtatalunan.Tick! Tock! Tick! Tock! Tunog ng orasan na hudyat na para pumasok sa kani-kanilang silid-aralan. Ang bawat isa ay kumakaripas na sa takbo dahil magsisimula na ang klase.Sa loob ng silid-aralan makikita ang mga upuan at mesa.Mga upuang nakaayos at nahahati sa iba’t-ibang pangkat. Mga tinig na nagmumula sa iba’t-ibang boses.Ang lahat ay natahimik sa pagpasok ng guro.Tanging ang tinig na lamang niya ang maririnig sa kadahilanang siya ay magsisimula nang magturo at ang tanging gagawin na lamang nila ay ang makinig at magsulat ng mga importanteng bagay na kanyang sinasabi.
            Kring!kring! nagpapahiwatig na oras na ng recess. Nabuhayan ang lahat dahil sa tunog na kanilang narinig.Bakas sa kanilang mga mata ang sabik at tuwa. Sabay-sabay na nagsitayuan ang lahat.Sa pasilyo pa lamang ay matatanaw mo na ang malaki at malawak na gusali ng canteen ng paaralan .Kasabay ng ihip ng hangin ay malalanghap mo ang amoy ng sari-saring pagkain na panigurado’y sagot sa mga kumakalam na mga sikmura. Sa unang yapak papasok,bubungad sayo ang  puno at nagsisiksikang tao na  tila’y hindi na mahulogan na karayom dahil sa dami nito. Iba’t-ibang grupo ang nakatalaga sa bawat mesang iyong madadaanan.Mapapansin mo na ang mga nasa sulok  ay ang mga laging nag-iiisa.Sa kabilang banda naman ay ang mga  walang pakialam sa mga nangyayari sa kanilang paligid at walang ibang pinagkaka-abalahan kundi ang magpantasya sa kanilang mga pinakamamahal na wattpad stories at k-pop na kailan man hindi nawawalan ng sigawan na akala mo’y laging may sunog.Higit sa lahat ay ang mga laging agaw atensyon .Magkakasama  ang mga magaganda’t gwapo, mayayaman at mga sikat sa iisang mesa. Laging pinagkakaguluhan at lahat ng mata’y nakatuon lamang sa kanila.
            Mapupungay na mga mata,hikab dito, hikab doon, mga nakayuko’t nakasandal sa kani-kanilang mga mesa, ito ang iyong mailalarawan sa pagsapit ng hapon. Walang interes sa diskurso ng nakakarami dahil ang nasa isipan lamang nila ay kung pano nila malalabanan ang antok na kanilang kinakaharap. Yes! Sa wakas! Wooh! Mga katagang iyong maririnig  dahil sa wakas, ito na ang oras na kanilang pinakahihintay, ito ang uwian. Naggsisilabasan ng pulbos, suklay at pabango ito ay sa kadahilanang lahat ay abala sa pag-aayos ng kani-kanilang sarili. Sabik na sabik nang umuwi dahil magagawa na rin nila ang mga bagay na kanilang laging ginagawa. Facebook, twitter,instagram, COC ay ilan lamang sa mga bagay na laging kinaaabalahan pag-uwi ng bahay.
              Kasabay ng matinding init ng  araw ang sari-saring reklamo. Hindi magka-ugagang inis at pagka-yamot ang nararamdaman dahil sa  hindi matapos-tapos na napakahabang pila sa paglabas ng gate.Kasabay ng mahabang pila ay unti-unting pagka-ubos ng pasensya.Sa paglabas ng pintuan ng gate ay abot langit ang saya na tila’y mapupunit ang mga labi sa tuwang nadarama.
            Nakakabinging katahimikan. Tanging bakas ng mga paa at mga dahong sumasayaw dulot ng hangin ang iyong maririnig. Napakatamlay at malungkot tingnan ang paligid. Ito ang unang mukha ng pasilyo. Sa paglipas ng panahon ay nagkaroon ng kakaibang kulay ang kanyang imahe. Unti-unting sumisigla sa paningin ang kanyang istraktura dahil sa mga taong nagbibigay buhay sa sakanya.

                                                                                            
                                                                                                -Isinulat ni: Ma.Francia C. Esplago-

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento